SPEAKING of TV5, nakatsikahan namin ang Presidente at Chief Executive Officer nilang si Attorney Ray C. Espinosa tungkol sa merger nila ng GMA 7 at ang mga mangyayaring pagbabago sa news department nila bukod pa sa malaki na ang lugi ng network na umabot na sa bilyones.
Hindi naman itinanggi ni Atty. Espinosa na talagang malaki na ang inilabas na pera ng TV5 dahil nga nag-invest sila sa malalaking artista, bumuo ng mga bagong programa, bumili ng mga gamit, nagpapagawa ng bagong building, at nagdagdag ng mga taong makatutulong.
“Yes, last year, we spent more money than earned, but that’s part of the investment.
“Lahat naman ng businesses may projection, ang tanong, mayroon bang naki-create? Mayroon bang nangyayari? Kasi kung walang nangyayari at pareho lang ng dati (ABC 5), then you can say na (lugi).
“’Pag ang three (3) percent audience share na umabot na sa sixteen (16) and a half (1/2) percent, mayroon namang pinuntahan ‘yung pera na ‘yun.
“Hindi biro ang mag-invest sa isang TV network, gagastos ka talaga, at saka walang formula na makakapagsabing ganito gawin mo, one, two, three, four, five, walang ganoon, okay ka na. Walang ganoon,” bungad paliwanag sa amin ng assistant ni Mr. Manny V. Pangilinan.
At sa tanong namin kung ilang taon ang ibinibigay nila para mabawi ang mga nagastos ng TV5?
“Titingnan na lang natin, mahirap magsalita ng patapos, eh. Ang sa akin, what important is, we are creating something and it’s tangible and visible. You can see it in the programs, you can see it on the people. For the moment, that’s important.
“Hindi mo naman mapilit ‘lahat ‘yan na ‘o, by 2016, okay na’.
“Ibang produkto ito, eh (network), hindi naman tayo factory ng candy na kapag inilabas mo, alam mo, bibilhin agad, hindi ganoon. Kayo, matagal na kayo sa industriya, alam n’yo kung ano (magagandang programa),”dagdag paliwanag pa sa amin.
At tungkol sa merging ay medyo tumaas ang tono ni Atty. Espinosa, “Saan n’yo ba pinagkukukuha ang mga balitang ‘yan? Puro lang ‘yan speculations, puro tsismis.”
At mabilis naming sabi na sa news department nanggaling ang balitang merger at pitong programa ang mawawala na dahil hindi nagri-rate at papalitan ng mga bago mula sa tulong ng taga-GMA.
“Abangan natin ang mangyayari, as of now wala naman, eh. At saka ‘tong mga taong ‘to (nagkuwento sa amin), tinatakot lang nila ang sarili nila!” pangangatwiran sa amin.
Samantala, nabanggit sa launching na ang mananalo sa talent search na Artista Academy ay dapat deserving dahil malaki ang premyo at mukha talaga siyang P20-M.
“Ha, ha, ha, hindi ko nga alam, eh. Hindi naman idinadaan sa malaking premyo. ‘Pag hinimay mo ‘yung premyo, kapag best actor ka of course (isa sa citeria ng mananalo), me value na ‘yung titirhan mo, either a condo or townhouse, magkakaroon ka ng bagong sasakyan, magkakaroon ka ng kontrata sa network, nay trabaho, tuloy pa ‘yung pag-aaral mo,” medyo napangiting sagot na ng bossing ng TV5.
Dagdag naman ni Ms Wilma V. Galvante na siyang nasa likod ng Artista Academy, “Siyempre, ibibigay mo sa kanila ‘yung stature ng moviestar.
“Ten million each ‘yung mananalo, siyempre malaki kasi magkano ba ang condo? Magkano ba ang bahay? Hindi mo naman puwedeng bigyan ng low cost housing kasi artista ang pinag-uusapan natin. At least you have an idea kung magkano ‘yung pinag-uusapan nating bahay,” sundot pa ulit ni RCE.
Tinanong din namin si Ms. Wilma kung bakit itinanggi niyang lilipat siya sa TV5 noong paalis siya ng GMA 7 tapos heto na siya ngayon at may mataas na posisyon sa nasabing network.
“Hindi ko naman alam din na mangyayari ito, eh. Sinabi ko nga ‘yun, pero ang gusto kong gawin ay ‘Artista Academy Arts’ para sa industriya (build-up stars), tapos nandiyan ang TV5 to enhance it. Kaya naman for the first three (3) months, exlusive ‘yun sa TV5 after that, open na siya sa public.
Magiging masaya ba si Ms. Wilma kapag nag-merge na ang TV5 at GMA 7?
“Hindi ko alam, gusto ko lang itong Artista Academy mag-succeed, alam n’yo naman ako focus sa pino-produce kong show,” natatawang sabi niya sa amin.
At ang eksaktong posisyon ni Ms. Wilma sa TV5 ay, “I am now the consultant for television of TV5, so it’s not just ‘Artista Academy’ that I’m doing for them.
“I am not producing (shows), they (TV5) are the one producing, pero ‘yung paano ang konsepto, mga plano, ikokonsulta sa akin,” paliwanag sa amin.
Bongga, si Ms. Wilma ang katapat ni Mr. Freddie M. Garcia sa ABC-CBN bilang consultant din at isa sa judges ng Pilipinas Got Talent na may Season 4 na.
No comments:
Post a Comment
Anong masasabi mo sa issue na 'to? mag-Comment na!!