Ibinasura ng Regional Trial Court (RTC) Branch 126 ng Caloocan City ang isinampang motion for indirect contempt ni Ronald Virola laban kay Mike Enriquez at sa GMA Network kaugnay sa ilang episode ng programang Imbestigador.
Nauna nang na-dismiss ng Korte ang civil complaint ni Virola laban sa broadcaster at sa GMA dahil sa pag-ere ng police raid sa tahanan ni Virola sa nasabing programa noong 2002.
Dito nabunyag ang pagmamay-ari ni Virola ng ‘di matukoy na dami ng regulated at prohibited drugs. Gayon din ang mga VHS tape na naglalaman ng mga nude at obscene footage ng iba’t ibang babae na mistulang nasa ilalim ng impluwensya ng droga at tila pinagsamantalahan ni Virola.
Depensa ni Virola, wala umanong katotohanan ang mga krimeng ibinintang sa kanya ng programa kaya humingi ito ng P1.2M danyos mula sa GMA.
Noong Nobyembre 10, 2011, na-dismiss ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya na magpapatunay na may halong malisya ang nasabing ulat ng Imbestigador.
Sa inilabas na desisyon ni Presiding Judge Lorenza Bordios, tinukoy ng Korte na ang mga nasabing episode ay masasabing privileged communication, at isang tapat at patas na pag-uulat ng mga bagay na dapat malaman ng publiko.
Dagdag ng Korte, walang paglabag si Mike Enriquez at nararapat lamang ang pagbubunyag nito kung paanong magagamit ang teknolohiya at droga sa paggawa ng ilang krimen.
Ayon sa Korte, ang mga komento ni Mike Enriquez ay base lamang sa affidavits ng mga testigo at court orders na lumabas bago pa inere ang mga nasabing episode.
Nagsampa ng motion si Virola upang ireklamo ang muling pagpapalabas ng GMA ng kwento ukol sa kanya noong Enero 7, 2012 sa kabila ng pag-apila nito sa desisyon ng korte.
Nireklamo rin ni Virola ang mga dagdag na komentong binitawan ng host na si Mike Enriquez.
Sa order na inilabas ng Caloocan RTC, dineny ang motion na isinampa ni Virola dahil sa lack of jurisdiction dahil kasalukuyan nang nakabinbin sa Court of Appeals ang kanyang appeal.
No comments:
Post a Comment
Anong masasabi mo sa issue na 'to? mag-Comment na!!