Saturday, June 9, 2012

Piolo Pascual Parang Talong?



“BADING ba talaga si Piolo Pascual?”

Iyan ang madalas na itinatanong sa akin ng mga tao when they meet me for the first time and learn that I work in the entertainment industry.


“Hindi ko siya kakilala. I’m sorry,” ang lagi kong sagot.

Pero bakit ang ibang Pinoy ay agad-agad na tahasang sasagutin ang tanong?

***

Naging palaisipan ito para sa akin nang lulan ako ng Delta flight 1688 mula St. Paul, Minneapolis papuntang Vancouver, British Columbia nang makapag-muni-muni ako ukol sa kung bakit malupit ang mga taong hindi taga-showbiz sa pakikialam sa buhay at pagkatao ni Piolo Pascual.

Naisip ko tuloy, sa ganitong ugali ng Pinoy ay parang talong si Piolo.

Ang masarap na talong ay firm sa labas pero tender sa loob. At sa mara­ming mamimili, hindi sapat ang tingnan lang.

Kailangan pa nilang hipu-hipuin, pisil-pisilin at sipat-sipatin ang isang talong para akalain nilang tama sila.

Pero madalas, hindi nadadaan ang talong sa masusing paghuhusga. Kailangan pa ring hiwain para tumambad ang katotohanan, kung ano at paano talaga ito.

Sa tunay na buhay, hindi dapat tinatrato si Piolo Pascual na tulad nang pagtrato natin sa talong sa palengke.

Bakit ba inaakala ng taumbayan na may karapatan silang usisain ang buhay at pagkatao ni Piolo nang walang pasubali?

Sino ang nagbigay sa kanila ng karapatan? Dahil lang ba artista si Piolo?

***

Duda.

Sapat ba itong basehan para magkaroon ang taumbayan ng karapatan na mang-usisa?

Hindi. Dahil para saan ang duda ga­yong wala namang kinalaman sa personal nating buhay si Piolo para usisain ang kanyang pagkatao, lalo na ang paratangan siyang bading? 

Umiiral lang ang duda kung ang usapin ay may kinalaman sa sarili mong buhay, pero hindi para idamay ang sino mang wala namang kina­laman sa iyo.

Duda mo, di ka papasa sa interview sa trabaho.

Pero kailangan ba ang duda para sa kasunod mong na-interview kung papasa siya? Hindi.

Duda mo, papakasal na ang kapatid mo.

Pero kailangan pa ba ang duda para sa kung magpapakasal ang gasoline boy na nagkarga ng krudo sa jeep na sinakyan mo kanina? Hindi.

Duda mo, bading ang anak mo. Pero para saan ang duda mo kung ba­ding man o hindi si Piolo Pascual?

*** 

O sadya lang ba tala­gang kulang sa respeto ang Pinoy sa kapwa tao?

“Uy, ang taba mo na!” sa magkumareng nagkasalubong.

“Magkano ang suweldo mo?” sa magkumpareng nag-iinuman.

“May nangyari na sa inyo?” sa magkatropang nakatambay.

“Bading kaya siya?” sa naghuhuntahan upang tukuyin ang taong dumaan lang.

Bakit kailangang humirit ng mga ganitong tahasang panghihimasok sa personal na buhay ng ibang tao, kakilala man o hindi, ka-close man o hindi?

Ang mga tanong na ganyan ay kasing-wala sa lugar ng mga ganitong tanong na basta-basta mo lang ipupukol sa taong makakausap mo.

Anak ka ba sa labas? Supot ka ba? Period mo ba ngayon?

Pero bakit kapag pagiging bading, feeling ng Pinoy ay entitled siyang manghusga, makialam, mangutya o mangkompronta, lalo na kay Piolo Pascual?

***

Sana, lubayan na ng Pinoy si Piolo.

At matutunan nating pahalagahan ang ating kapwa nang labas sa usap kung sila ay lalaki, babae, bading o lesbiana.

Hindi nasusukat ang pagkatao sa sexual orientation. Kundi sa kung paano nagpapakatao.

At ang tunay na pagkatao ay di nasusukat sa kung kanino ka sumiping. Kundi sa kung ano ang handa kang panindigan at panagutan na responsibilad sa ngalan ng pag-ibig para sa Diyos at kapwa tao.

Diyan, mas lamang si Piolo sa nakararaming mga Pilipino.

At sino ba ang nagtanong kung diretso ka?


SOURCE: Kokoy Boncan of Abante-Tonite
Protected by Copyscape Unique Content Check
For more updates FOLLOW us on Twitter @pinoyTVpolice and LIKE US on Facebook

No comments:

Post a Comment

Anong masasabi mo sa issue na 'to? mag-Comment na!!

SEARCH THIS BLOG

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...
Custom Search